Si Senator Panfilo Lacson ay ipinanganak noong Hunyo 1, 1948
sa Imus, Cavite. Siya ay nagtapos ng elementarya sa Mababang Paaralan ng Bayang
Luma at sekondarya sa Imus Institute.
Kumuha muna siya ng AB Philosophy sa Lyceum bago pumasok sa
Philippine Military Academy (PMA) noong 1967.
“Ang aking mga magulang ay nakatira pa rin sa Cavite at
madalas naming binibisita,” ani Lacson. Mahirap man ay pinagsumikapan ng
kanilang mga magulang na mapag-aral ang walong anak. Malimit din itagubilin ng
mga magulang ni Lacson sa kanila na ang edukasyon ang tanging yaman, at walang
sino man ang makababawi sa kanila.
Sila ay itinaguyod ng kanilang mga magulang mula sa kita sa
pamamasada ng jeepney ng ama at pagtitinda ng kanilang ina. Ang determinasyon
ng kanilang mga magulang na mabigyan sila ng magandang kinabukasan ang nagbigay
inspirasyon kay Lacson na pagsumikapang mapagtagumpayan ang kanyang mga
Pangarap.
Dinala ni Ping ang pangalan ng kanyang pamilya na may
dignidad at lumaki siyang puno ng prinsipyo. Dala niya ang katangiang ito
hanggang sa pagpasok niya sa PMA. Lalo niyang ipinagyabong ang kanyang mga
prinsipyo sa Philippine Constabulary mula nang siya ay pumaloob makaraang
magtapos sa PMA (CLASS 1971).
Noong kabataan ni Lacson sa Imus, tinalo niya ang isang
kilalang tigasin sa kanilang lugar kahit na mas malaki sa kanya. Ginawa niya
ito upang matigil ang paghahari at panggugulo ng siga.
Ang kanyang pagnanais na itama ang mali ang naging daan
upang tanggalin ang mga kotongerong pulis dahil nakita niyang mali ang ginagawa
nilang pagpapahirap sa maliliit na mamamayan.
“Nang ako ay naging pinuno ng PNP noong 1999, hinangad kong
ibalik ang nawawalang paggalang sa mga pulis. Noong bata pa ako, ang pulis sa
aming baryo sa Cavite ay iginagalang kagaya ng principal ng isang paaralan.
“Ngunit sa paglipas ng panahon, nawala ang respetong ito.
Nasasaksihan natin ang mga tao at motorista na umiiba ng ruta kapag nakakikita
ng pulis sa dulo ng kalye, dahil alam nilang kokotongonan sila. Kung makakita
ka ng pulis sa isang madilim na eskinita, tutuloy ka pa ba? Normal na reaksiyon
na ‘yun, iiwas ka na lang dahil baka makotongan ka pa.”
Bilang hepe ng PNP, ibinalik ni Lacson ang dating imahe at
integridad ng pagiging pulis mula sa pagiging malakas at matipunong katawan
hanggang sa pagiging determinadong tagapagpatupad ng batas kahit na suhulan pa
nang milyon.
Sa 14 na buwan na panunungkulan, nagkaroon ng makabuluhang
pagbabago sa pulisya na naging daan upang gumanda ang imahe sa publiko at
makakuha ng 69% na pagsang-ayon (approval rating) mula sa mga mamamayan.
Ngunit hindi lahat ng repormang kanyang ipinatupad ay naging
popular sa kanyang mga kapwa pulis.
Upang maging mas epektibo ang paglaban sa kriminalidad,
ginawa niyang 15% ang dating 65% na pondo para sa matataas na opisyal at ‘desk
jockeys’ at ibinahagi ang malaking porsiyento sa mga nagpapatrolyang pulis.
Upang mabawasan ang katiwalian, ipinatupad niya ang
pagpapahayag ng budget ng PNP sa internet, kasama na ang hotline na numero at
e-mail address upang maisumbong ang mga tiwaling opisyal sa punong himpilan ng
PNP.
Ang hakbang na ito ay nagresolba sa pagpataw ng parusang
administratibo sa 2,000 opisyal ng pulisya dahil sa paglabag sa pagtitiwala ng
mamamayan.
Mula 1971 hanggang 1986 ay ginugol niya ang kanyang panahon
bilang opisyal sa pangangalap ng impormasyon sa Metrocom Intelligence and
Security Group, na nabuwag matapos mapatalsik ang dating Pangulong Marcos noong
1986 EDSA People Power Revolution.
Pagkatapos nito ay naging kasapi siya ng Philippine
Constabulary Integrated National Police Anti-Carnapping Task Force at mula
1988-1989 ay naging Provincial Commander siya ng Isabela. Noong 1989 siya ay
itinalaga na commander ng Cebu Metrodiscom hanggang 1992.
Itinalaga siya ng noo’y Bise Presidente Joseph Estrada
bilang pinuno ng Presidential Anti Crime Commission-Task Force Habagat na
itinuturing na pinakamabigat niyang tungkulin bago siya naging hepe ng PNP.
Itinalaga siyang hepe ng PAOCTF noong 1998. Nahirang siyang
hepe ng PNP noong Nobyembre 1999 sa edad na 51 anyos, ang pinakabatang naging
pinuno nito.
Mula pagpuntirya sa mga kotongerong pulis noong kanyang
kapanahunan bilang hepe ng PNP, itinutok niya ang kanyang atensiyon sa ibang
malalaking negosyante na walang awang nagpapahirap sa mga mamamayan; ang mga
gahamang Independent Power Producers (IPPs) na nagpapataw at sumisingil ng
maanomalyang Purchase Power Adjustment (PPA).
Hayagang binatikos ni Lacson ang mga korporasyon na nagkamal
ng malaking salapi sa publiko. Sa ngayon, ang mamamayan ay mayroon nang kakampi
na pwede nilang pagkatiwalaan na lalaban hanggang sa mapagtagumpayan.
Kahit na noong siya ang hepe ng PNP ay ‘di naatim ni Lacson
na gumamit ng kapangyarihan para sa kanyang pansariling kapakanan.
“Hindi ko naramdaman ang kapangyarihan,” ani Lacson.
“Ang kanyang tsuper, pag merong naka-encounter sa kalsada,
lagi kong sinasabihan na, ‘o wag mo nang patulan, wala tayong panalo diyan,”
mabugbog mo ‘yan o baka mabaril mo problema pa natin. Pagpasensiyahan mo na
lang. Mainitin kasi ulo ng driver ko,” pabirong sabi niya.
Kailanman ay hindi pinagsabi ni Lacson ang kanyang mga
nagawa.
Sabi nga niya, kung uulitin muli ang kanyang buhay ay muli
niyang gagawin lahat iyon.
“Walang pagsisisi kahit na tumanggi tayo sa pera mula sa
jueteng,”aniya
“Kapag isa kang Regional Director, tatanggap ka ng P3 milyon
kada buwan. Kapag chief ng PNP, sigurado naman ang P5 milyon, puwera pa ‘yung
ibang extra. Pero ano naman ang mukha mong ihaharap sa tao? Maganda ang auto
mo, maganda ang damit mo, pero alam nilang galing ang pera sa katarantaduhan,
maipagmamalaki mo ba iyon?”
Ginamit ni Lacson ang kanyang magandang track record bilang
pinuno ng PNP nang siya ay kumandidato sa pagka-senador. Kahit na kabi-kabila
ang paninira at batikos sa kanya ng mga kalaban ay hindi naging sagabal upang
ihalal siya ng mga mamamayan hanggang sa kasalukuyan.
Mabilis siyang natuto bilang mambabatas at siguradong
ipagpapatuloy ni Senator Panfilo Morena Lacson ang malawakang pakikibaka ng
mamamayan nang buong puso, lalo na ngayon na ang Pangulong Digong Duterte na
ang Pangulo ng Filipinas.
***
Dalawang magigiting na living legendary generals ang
nagbalik ng nasirang imahe at integridad ng PNP, si Senador Panfilo M. Lacson
and now C/PNP Director General Ronald “Bato” Dela Rosa.
May your tribe multiply. Mabuhay po kayo. Godspeed.
KONTRA SALOT – Abner Afuang
0 comments:
Post a Comment