Ito ang binigyang-diin ni Partido Reporma presidential bet Panfilo `Ping’ Lacson at vice presidential bet Vicente `Tito’ Sotto III bilang reaksiyon sa mga ulat na ilang politiko at opisyal ng gobyerno ang gumagamit ng mga bus lane sa kahabaan ng EDSA at maingay pa sa wangwang ang kanilang mga police escort kapag naiipit sa trapik.
“Unang-una, `yong abuso dapat iwasan e, kasi ‘yong entitlement… Alam mo, ‘yong feeling of entitlement dapat ‘yon wala e,” sabi ni Lacson sa lingguhang `Meet the Press’ via Zoom ng Partido Reporma.
“Pare-pareho, mapa-government vehicle ka o kaya nagmamadali ka, dapat ‘pag sinabing bus lane, bus lane; o kaya mga ambulance lane, ‘yon lang. Huwag na tayo makihalo doon kasi makakagulo tayo,” saad pa ng beteranong senador.
Ipinahayag naman ni Sotto na kailanman ay hindi siya dumadaan sa bus lane dahil alam niyang bawal ito kaya dapat lang aniya na arestuhin ng mga traffic police ang mga pasaway na politiko o opisyal ng gobyerno.
“Never ako dumaan sa bus lane dahil nga alam kong bawal. So, itong mga driver ng mga sikat, `yong mga politiko or mga Cabinet official na dumadaan doon, hulihin ninyo. Dapat `yong PNP o `yong mga Traffic Management Bureau, hulihin n`yo,” ayon kay Sotto na nagmamaneho ng sarili niyang sasakyan.
Kaugnay sa isyu ng wang-wang, sinabi ni Lacson na gumamit lamang siya ng mga escort noong pinamumunuan pa niya ang Philippine National Police (PNP) kapag ipinatatawag sa Malacanang mula sa kanyang opisina sa Camp Crame sa Quezon City.
Bawal din aniya sa kanyang mga regional commander at iba pang tauhan na mag-wangwang kapag bumibiyahe siya sa mga probinsya.
“So, ako, I always put myself in the shoes of the other guy — ‘yong nawawalis, nawa-wang-wang-an. E kung pare-pareho lang nagmamadali, ang solusyon diyan is maaga kang magplano, maaga kang umalis para hindi ka ma-le-late. ‘Yung iba kasi dahil alam nilang nakakapag-wang-wang ay sinasagad ‘yung oras, ano,” sabi ni Lacson.
0 comments:
Post a Comment